Thursday, August 29, 2013

Noong Bata Ako Book 2 Chapter 2


Chapter 2

Noong bata ako, sabi ni lola kapag nakabitin raw ang paa mo sa kama kapag natulog ka, hihilain raw ito ng multo. Nagtataka ako noon kasi si nanay laging nakabitin ang paa kasi maliit lang ang papag namin. Hindi naman kasi kami ganon kayaman, sakto lang para sa'ming dalawa ang mga padala ni tatay. Kaya kailangan kong mag-aral ng mabuti para hindi na nakabitin ang paa ni nanay sa kama. Baka kasi hilain siya ng mumu. Ewan ko lang kung matutupad ito kasi baka kapag tumanda na ako, magbabago na ang mga paniniwala ko.

>

5 am na at kasabay ng pagtilaok ng mga tandang ang pagbangon ko. Kailangan ko na kasing pumasok sa school. Grade 5 pa lamang ako ganitong oras na ako nagigising dahil ayoko ng naleleyt. Laging sinasabi ni nanay sa akin noong bata ako na paluluhurin ako ng titser ko sa asin kapag naleyt ako. Masakit kaya 'yun! Kaya maaga lagi ako pumapasok dahil ayaw kong maranasan ang lumuhod sa asin. Hinihintay kong gisingin ako ng tandang ng kapitbahay namin at saka ko naman gigisingin si nanay.

Ngayon umaga ay kailangan ko munang umihi. 'Di ko na kayang tiisin, siguro hindi ko muna gigisingin si nanay ng maaga ngayon. Kinapa ko ang switch ng ilaw dahil natatakot ako sa dilim. Pinagdasal ko muna kay Papa Jesus na sumindi ang ilaw. Mabuti naman at narinig at tinupad niya ang panalangin ko. Hindi naman gaanong malayo ang banyo namin sa kwarto kaya konting lakad lang maabot ko na ang ginhawa. Sinindi ko rin ang ilaw pero nakakabingi ang katahimikan. Parang naririnig ko ang paghakbang ng ipis sa tabi ko, naging creepy rin para sa akin ang tunog ng mga kuliglig dahil tanging ito lamang ang ingay na naririnig ko. Nakakatakot rin ang sobrang tahimik, buti na lang hindi ko sinara ang pinto para madali akong makatakbo kapag may multo.

Maya-maya, parang biglang lumamig ang hangin. Kinilig-kilig tuloy ako sa pag-ihi, dati napipigilan ko ito kasi gusto ko, kikiligin lang ako kapag nakatingin sa akin si Gel-gel. Nakakakilig kasi ang bawat ngiti niya sa'kin, kapag sinasabi niya ang palayaw ko at kahit nakatulala lang siya. Ewan ko, lahat na lang sa kanya cute. Hihihi. Kapag nakapikit ako, gaya ngayon, minsan naiisip ko na yakap yakap ko siya tapos nagkukwentuhan kami sa ilalim ng puno ng mangga. Nakangiti siya sa akin habang hawak ko ang kamay niya.

Napatigil ako sa pagpapantasya nang lumangit-ngit ang pinto. Patapos na rin ako kaya agad kong itinago ang alaga ko. Hindi pa ako nakakalabas ay nakarinig ako ng katok sa pinto. Paglingon ko, sarado pala ang pinto. Siguro si nanay 'yun, "Tapos na ako `nay sandali lang." sagot ko naman.

Binuksan ko yung pinto pero wala si nanay. Inaasahan ko na nasa labas lang siya, pupungas-pungas at hinihintay akong lumabas. Pinatay ko ang ilaw sa banyo, naka-isang hakbang pa lang ako, hindi pa ako nakakalayo pero narinig ko uli yung pagkatok sa pinto ng banyo. Dito mismo sa tabi ko ang pinto, tutok na tutok ang tainga ko sa katok pero hindi ko malingon. Kaiihi ko lang pero parang maiihi nanaman ako. Napakabilis ng tibok ng puso ko. Parang nasa kabila lamang ng pinto ang kumakatok, ano ba ang gusto niya? Kahit na ano naman ang mangyari ay hindi na ako babalik sa loob para umihi ulit. Meron kayang ibang tao sa likod ng pinto?

Hinawakan ko ang pinto para isara ito pero ito yata ang pinakamaling nagawa ko sa siyam na taon kong pamamalagi sa mundo. May malamig na kamay ang humawak sa kamay ko kaya agad akong nagtatakbo papunta ng kwarto. Hinihingal ako at mulat na mulat ang mga mata. Kinikilabutan pa ako, pati ang mga balahibo ko yata ay kinikilabutan din. Nandito si nanay, nakahiga pa at mahimbing pang natutulog.

"Nay, gising na." sabi ko habang pilit na pinapakalma ang sarili. "Nay..." naiiyak na ako sa sobrang takot. Ayokong lumingon dahil baka paglingon ko sinundan pala ako ng mumu. Baka nakatutok na ang mukha niya sa likod ko. Bakit ba nangyayari sa akin 'to?

"Uhmmm..." sagot lang ni nanay at unti-unting nagmulat ng mata. Hinihintay ko ang reaksyon niya kung may iba pa ba kaming kasama rito sa kwarto. Mabuti naman at wala siyang reaksyon. Bagkus ay hinila lang niya ako para yakapin. Napangiti lang ako.

"Nay, kain na tayo." sabi ko sa tainga niya. Napakalambing talaga ni nanay. Sana lang talaga nandito si tatay para maranasan din niya ang paglalambing ni nanay.

"Bakit? Nagluto ka na ba?" tanong niya. Ang saya sigurong pagmasdan ng magulang mo kapag naglalambingan, yakapan at tawanan. Kaso wala dito si tatay.

"Hindi pa po."

"Anong kakainin natin?"

"`Yung iluluto niyo." sabi ko at tumawa. Napawi na muli ang takot ko. Sana lang huli ng katatakutan ito.

>

Hindi na ako naligo noon. Ok lang naman kasi bata pa ako, mabango pa at wala pang putok. Pinilit ako ni nanay pero hindi talaga ako pumayag na pumasok uli sa banyo. Hindi naman ako tinutubuan ng kwintas sa leeg gaya ng sabi ni nanay kay Boy-boy. Siguro nakikita niya sa mata ko ang takot kaya tinigilan niya ako. Gaya ng dati, mag-isa pa rin akong naglalakad papuntang school. Pilit kong pinigilan ang sarili ko na lumingon sa Kalye 19 kahit na alam kong maraming tao rito. Mukhang nakita na nila ang nangyari doon kagabi. Sana lang ay kasabay ng pagligpit ng mga bangkay doon ay ang paglaho sa alaala ko ng mga nakita ko doon.

Habang naglalakad ako, malayo pa lang naririnig ko na ang mga pusa sa bakod na naglalampungan. Ewan ko lang pero parang hindi sila naglalampungan para sa akin, parang nananakot sila kasi parang batang umiiyak ang boses nila. Palapit ako ng palapit sa mga pusa, lalong lumalakas ang ingay nila. Maya-maya ay tumahimik. Bumebuwelo lang pala sa isang malakas na panggulat sa akin. Tinakbo ko na ang kantong yun para lang makalayo na. Hindi ko alam kung bakit ako tinatakot mula noong nakita ko ang Kalye 19? May sumpa na kaya ang kalyeng 'yun?

"Aaaaahh!" napasigaw ako ng konti nang may parang kumagat sa paa ko. (Konti lang). Paglingon ko, si Boy-boy pala. Kinurot niya ang binti ko kaya parang nakagat. Akala ko tuloy sinundan ako ng mga pusa. Napalingon nga ako sa mga pusa kanina, nakakapagtaka pero wala na sila. Wala na rin ang ingay na ginagawa nila. Tumibok nanaman ng napakabilis ang puso ko. Ayoko ng mag-isip ng nakakatakot!

"Uy! Bakit mo kami iniwan kagabi?" pagbasag ni Boy-boy sa katahimikan. Medyo nagulat pa ako dahil hindi ko inaasahan ang pagsasalita niya. Hindi naman ako mahilig magkape sa umaga pero talagang naging magugulatin at nerbyoso na ako. `Di ako agad nakasagot kasi ang alam ko lang ay hindi ko sila nakita sa taguan nila kaya dumiretso ako sa Kalye 19. Muling nagflashback sa akin ang mga nangyari, ang mga nakita ko sa kotse doon.

Napatigil ako sa paglalakad kaya nagtaka si Boy-boy. "Nanay mo lang ang nagpauwi sa amin eh." sabi niya. Napatingin ako sa kanya. Ibig sabihin, nauna pa silang umuwi sa akin. Gaano ba ako katagal nanatili sa Kalye 19? "Ang tagal ko kayang nagtago, akala ko hinahanap mo pa kami, `yun pala umuwi ka na."

Maaari kayang alam ni nanay ang nangyayari sa akin noon? `Sing-lalim ng Philippine Deep ang iniisip ko para pansinin pa si Boy-boy pero talagang makulit siya. "Huy!" aniya at nagpatuloy kami sa paglalakad.

"Wala. Tinawag na kasi ako ni nanay." pagsisinungaling ko. Mabuti na lang at hindi na niya ako kinulit.

Buong araw ay parang wala ako sa sarili ko. Normal na tao naman ang lahat ng kasama ko, ewan ko lang ang terror naming adviser pero sobra akong kinikilabutan. Lahat ng oras parang napakalamig gayong hindi naman tag-ulan at wala namang aircon ang classroom namin. Baka lalagnatin lang ako. Mamaya sasabihin ko kay nanay ang nararamdaman ko.

>

"`Nay, parang lalagnatin ako, kasi malamig ang pakiramdam ko buong araw." sabi ko pag-uwi. Inabutan ko si nanay na nagluluto.

"Sige. Pagkatapos kumain, paiinumin kita ng gamot tapos, matutulog na tayo." sagot ni nanay.

Agad akong umupo sa hapag at sumandok sa naihanda na ni nanay. Ang sarap magluto ni nanay, paborito ko yung Chicken Adobo niya kasi, uhmm, basta! Masarap kasi eh.

Natapos kaming kumain ni nanay ng masaya. Hindi ko alam na dito na pala magsisimula ang isang linggo kong puno ng kababalaghan. Dito ko naalala ang mga paalala ni nanay sa akin noong bata ako, ang magdasal lagi bago matulog at magpasalamat na nagising kang muli. Napakahirap ng bangungutin at mahirap makatulog kapag may alaala kang nakakatakot na pilit bumabalik sa isip mo. Nakakabaliw, hindi na alam ng isip ko kung saan lulugar.

~itutuloy




2 comments:

  1. This comment has been removed by a blog administrator.

    ReplyDelete
  2. This comment has been removed by a blog administrator.

    ReplyDelete

Note: Only a member of this blog may post a comment.